“Magulang”

“Hoy, yung inuutos namin sayo!”
“Di mo naman kailangan ‘to.”
“Wag kang magulo, ako’y nagtatrabaho.”
Iyan ba ang dapat mong marinig sa magulang mo?

Bakit nga ba ‘ko ganito?
Bakit nga ba ‘ko naririto?
Bakit ba ‘ko nabuhay sa mundo?
Nasasaktan, nalulungkot, nanlulumo.

Heto ako, di ko kilala kung sino ako.
Sa mga dinanas ko sa buhay ko
Kahit kailan, di niyo mapagtatanto
Ang halaga ko sa mundong ‘to.

Laging nasasaktan, hindi ko talaga malaman
Akala nila, ako’y nagtatamad-tamaran.
Mga hinihiling ko’y di mapagbigyan
Hindi nila makita ang aking kakayahan.

Mula pa noon, sa aking pagkabata,
Sermon, lait, mga masasakit na salita
“Ikaw bata ka, di madala-dala!”
Mumunting pagkakamali na laging itinatama.

Ako’y nawawalan ng gana
Kaibigang tatalikuran ka
Sa paaralan, lalo pa itong nagpalala
Kung saan ang habol mo’y mataas na marka

Kapag ang marka ko’y bumaba
Ako’y biglang nababalot ng kaba
Nagtatalukbong ng kumot sa kama
Sigurado kasi ako, galit nanaman sila.

Pangarap kong tila lumalabo
Interes ko sa mga bagay’ tila naglalaho
Buti nga’t di pa ko nalulong sa bisyo
Ngunit ang isip ko pa din ay gulong gulo

Pakiramdam ko’y wala na ‘kong pag-asa
Lahat ng mga malas, isa daw biyaya
Ang mga ideya ko’y wala namang napala
Heto ngayon, idadaan ko na lamang sa tula

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started